Ang insulin ay isang hormone na tumutulong sa katawan na gamitin ang asukal para sa enerhiya. Ginagawa ito sa pancreas at inilabas sa dugo kapag tumaas ang mga antas ng asukal sa dugo. Tinutulungan ng insulin na panatilihin ang mga antas ng asukal sa dugo sa isang malusog na hanay.
Ang insulin ay isang uri ng hormone na ginagawa ng pancreas upang makatulong sa pag-regulate ng asukal (glucose) sa dugo. Mahalaga ito sa metabolismo ng katawan dahil tumutulong ito upang magamit ng mga cells ang glucose bilang enerhiya o maiimbak ito para sa hinaharap na paggamit.
PAANO GUMAGANA ANG INSULIN?
1. Pagtaas ng Glucose sa Dugo – Kapag kumain tayo, tumataas ang antas ng glucose sa dugo.
2. Paglabas ng Insulin – Ang pancreas ay nagpapalabas ng insulin upang tulungan ang glucose na makapasok sa mga cells ng katawan.
3. Paggamit ng Glucose – Ginagamit ito bilang enerhiya o iniimbak sa atay at muscles bilang glycogen.
ANO ANG KAHALAGAHAN NG INSULIN?
- Pinapanatili ang normal na antas ng asukal sa dugo.
- Pinipigilan ang sobrang taas ng blood sugar (hyperglycemia) o sobrang baba nito (hypoglycemia).
- Mahalaga ito sa mga taong may diabetes dahil sila ay maaaring may kakulangan sa insulin o hindi ito nagagamit nang maayos ng kanilang katawan.
INSULIN AT DIABETES
- Type 1 Diabetes – Hindi nakakagawa ng insulin ang katawan, kaya nangangailangan ng insulin injections.
- Type 2 Diabetes – May insulin ang katawan pero hindi ito nagagamit nang maayos (insulin resistance), kaya maaaring mangailangan ng gamot o insulin therapy.
KASALANAN KO ITO NA KAILANGAN NANG MAG-INSULIN.
Hindi ibig sabihin na kapag kailangan nang mag-insulin ay dahil naging pabaya ka sa pagkontrol ng diabetes mo. Ang sakit na diabetes ay lumalala nang kusa. Sa type 1 diabetes nga, kailangan ng insulin sa umpisa pa lamang kapag na-diagnose ito. Sa type 2 diabetes, paglipas ng panahon ay hindi na kaya ng lapay (pancreas) na maglabas ng insulin na sapat sa pangangailangan ng katawan. Kapag hindi na kaya ng mga ibang gamot na pababain ang asukal sa dugo, kailangan nang gumamit ng insulin. Huwag sisihin ang sarili kung kailangan nang mag-insulin. Huwag din sabihan ang kamag-anak o kaibigan na, “Ikaw kasi, ang tigas ng ulo mo. Hayan tuloy, insulin ka na!” Hindi po ito makakatulong.
BAKIT TUMATAAS ANG ASUKAL SA DUGO KUNG MAY TYPE 2 DIABETES?
Ang asukal sa dugo (glucose o letrang G sa larawan) ay naa-absorb ng katawan dahil sa insulin. Ang asukal na hindi pa gagamitin ng katawan ay naiimbak sa atay at muscles. Dahil sa insulin, hindi tumataas ang asukal sa dugo.
Isipin na ang muscles natin ay may pinto kung saan dadaan ang glucose para ma-absorb ito. Si INSULIN (letrang I sa larawan) lamang ang puwedeng magbukas ng pinto, para makapasok ang glucose sa muscle. Kung walang diabetes ay malayang makakapasok ang glucose sa loob ng muscle.
Kung may type 2 diabetes, nahihirapang buksan ng insulin ang pinto. Mas maraming insulin ang kailangan para mabuksan ang pinto at makapasok ang glucose sa muscles. Iyan na siguro ang pinakasimpleng explanation ko para sa “insulin resistance.” Dahil hindi makapasok ang glucose sa muscles ay naiipon ang glucose sa dugo kaya tumataas ang level ng asukal sa dugo.
HINDI NAKAKATULONG ANG INSULIN.
Madalas ang tingin natin sa diabetes ay sakit na dulot ng mataas na asukal sa dugo. Pero tama ring sabihin na ang diabetes ay sakit nang dahil sa insulin – puwedeng kulang ang insulin o hindi gumagana ang insulin. Dahil dito, tumataas tuloy ang asukal sa dugo. Ang insulin na tinuturok ay kahawig ng insulin na gawa ng katawan. Kung hindi na gumagawa ng sapat na insulin ang lapay, ang pagturok ng insulin ang pinakamabisang paraan upang bumaba ang asukal sa dugo.
NAGDUDULOT NG KOMPLIKASYON O NAKAKAMATAY ANG INSULIN.
Madalas, nakikita natin ito sa ating mga kamag-anak o kaibigan na gumamit ng insulin pagkatapos namatay. Mas maigi sana kung masimulan na kaagad ang insulin kapag kailangan na. Ngunit maraming pasyente ang ayaw pumayag mag-insulin hanggang malala na ang diabetes. Kaya minsan, nasisimulan ang insulin kung kelan huli at ang insulin pa ang nasisi sa paglala ng sakit samantalang may komplikasyon na ang diabetes bago pa nasimulan ang insulin.
NAKAKATABA ANG INSULIN.
Totoo na may mga pasyente na tumataba sa paggamit ng insulin. Pero puwedeng mabawasan ito sa pamamagitan ng tamang pagkain at ehersisyo. Hindi dapat maging dahilan ito para huwag magsimula ng insulin dahil mas marami pang magiging mabuting epekto ang insulin sa katawan kung mapapababa nito ang asukal sa dugo.
MASAKIT MAGTUROK NG INSULIN.
Wala namang may gusto ng injection di ba? Pero maraming pasyente ang nagugulat na hindi kasing sakit tulad ng kanilang inaasahan ang sakit ng insulin injection. Minsan nauuna lang talaga ang takot. Mas maliliit, maiksi at manipis na rin ang mga karayom ngayon di tulad noong araw. Meron na ring mga insulin pen na mas madaling gamitin kaysa sa hiringgilya o insulin syringe.
BUMABAGSAK ANG ASUKAL SA DUGO DAHIL SA INSULIN.
Puwedeng sumobrang baba ang asukal sa dugo o mag-hypoglycemia nang dahil sa insulin, at makaramdam ng pagkahilo o malamig na pagpapawis. Ngunit mayroon ng mga makabagong insulin na mas madalang bumagsak ang asukal sa dugo. Maaari ring matutunan kung paano maiwasan at maagapan ang hypoglycemia.
NAKAKA-ADDICT ANG INSULIN.
Hindi puwedeng ma-addict sa insulin dahil natural na may insulin tayo sa katawan galing sa lapay (pancreas). Ang mas madalas na tinatanong ng mga pasyente ay kung puwede pa bang bumalik sa tableta kapag nakapagsimula na ng insulin, dahil baka na-addict na sa insulin ang katawan. Ang sagot sa tanong na iyan ay depende kung bakit nagbigay ang doktor ng insulin. Minsan kasi ang insulin ay pang-emergency lamang tulad kung kailangan ng mabilisang pampababa ng asukal sa dugo bago ng operasyon o surgery. Sa ganitong sitwasyon, minsan ay puwede pang bumalik sa tabletang gamot para sa diabetes. Ngunit para naman sa iba, ang insulin ay sinimulan dahil ayaw nang bumaba ng asukal sa dugo sa maraming klaseng tableta. Para sa mga ganitong pasyente, malamang ay maintenance na ang insulin.
MASYADONG MAHAL ANG INSULIN.
Magastos ang magkaroon ng diabetes. May mga insulin na generic kung hindi kaya ng bulsa ang mga branded na insulin. Minsan mas mahal ding lalabas kung maraming klaseng tabletang pangdiabetes ang kailangang inumin kumpara kung papalitan na lang ng insulin injection.
MABABAWASAN ANG AKING BUHAY NANG DAHIL SA INSULIN.
Maraming natatakot na dahil sa insulin ay hindi na sila puwedeng maglakbay, kumain sa labas o mamuhay nang hindi nangangailangan ng tulong ng ibang tao. Lahat ng dating nagagawa bago mag-insulin ay magagawa pa rin kahit naka-insulin na. Kailangan lang magplano kung paano gagamitin ang insulin para hindi ito makasagabal sa mga pang-araw araw na gawain. Maraming pasyente na nagiging mas magaan ang pakiramdam kapag naka-insulin na at mas nagagawa ang mga gusto nilang gawin na hindi nila magawa nung hindi kontrolado ang diabetes. May mga iba rin na nagsasabi na sana pala as mas maaga silang nakapag-insulin kaysa nagtiis sa maraming tabletang gamot.
No comments:
Post a Comment